(PH) Kaso ng mga pekeng residence cards dito sa Japan, dumadami!
(PH) Oktubre 23, 2020
KOBE – Sinasabing parami ng parami ngayon ang kaso ng mga gumagamit ng pekeng residence card (alien card) dito sa Japan. Dumarami ito kasabay ng pag-overstay ng mga dayuhan dito dahil sa mataas na demand ng workers.
Noong 2019 lamang, mahigit 748 na na kaso ang naitala ayon sa National Police Agency.;
Pinaniniwalaan na ang mga crime groups sa Japan ay naghahanap ng mga dayuhan sa social media para magbenta ng mga pekeng residence cards upang magamit ito at manatili sa Japan kahit na nag-expire na ang totoo nilang mga visa.
Sa 29 na residence status dito sa Japan, ang pinaka mabenta na card ay ang Permanent Residence at Long-term residence cards dahil may kakayahan ang mga may hawak na ito na magtrabaho sa kahit anong uri ng trabaho ng walang limit.
Noong Hulyo lamang sa balita, isang Instik na babae at lalaki ang nahuli ng mga pulis dahil sa pamemeke ng Residence Cards para sa isang Vietnamese na lalake. Ang dalawa ay nahuli sa kanilang apartment sa Kawaguchi, Saitama habang gumagawa ng iligal na operasyon.
Sa pagkahuli sa kanila, napagalaman din ng mga pulis na mahigit 1800 na pekeng gamit, kasama na ang residence cards, driver’s license at blue book (nenkin techou) ang mayron sa lugar ng mga salarin at agad naman itong kinumpiska.
“Hindi madaling pigilan ang kalakaran na ito sapagkat ang mastermind na galing sa China ay maaaring inuutusan lang ang mga salarin na kumilos gamit ang social media.” sabi ng isang imbestigador.
Noong Agosto, dalawang Intsik na babae na pinaniniwalaan na kasabwat sa sindikato ay nahuli rin sa pag-gawa ng mga fake residence cards para rin sa Vietnamese na nasyonal.
Isa sa mga salarin ang nagsabing ang isang miyembro na taga-itaas ay nagbibigay ng 300,000 yen bawat buwan bilang isang pasweldo. At nabebenta naman ang mga pekeng cards sa halagang 5,000 yen lang bawat piraso.
Noong 2019, nag-gawa ang Japan ng panibagong sistema ng bisa para dumami pa ang kanilang blue-collar workers. Ito ay dahil sa pagkakaroon ng shortage ng trabahador mula sa ibang mga sector at sa pagbagsak narin ng birthrate dito.
Nito lamang Oktubre ng nakaraang taon, naitalang umabot na sa 1.66 milyon ang bilang ng mga dayuhan na nag-tatrabaho dito sa Japan.
News Source: Mainichi
JN8 -JAPANnavi8-
Site de informações apoiando estrangeiros que moram no Japão