Ano ang residence tax at bakit kailangan bayaran ito?
Ang mga dayuhang residente sa Japan ay kinakailangang magbayad ng buwis sa munisipyo kung saan sila naninirahan simula ika-1 ng Enero. Ang Residence Tax o Juminzei (住民税) ay isang lokal na buwis na hiwalay na ipinapataw mula sa national tax. Ito ay nahahati sa municipal residence tax at prefectural residence tax.
PAANO KINOKOMPYUT ANG RESIDENCE TAX?
Ang halaga ng buwis ng mga residente ay matutukoy ayon sa kita o income niya sa nakaraang taon at ang bilang ng mga dependents. Mangyaring bayaran ang iyong natitirang buwis sa itinakdang palugit. Kung hindi magbabayad, maaaring ang iyong suweldo sa bangko, o iba pang mga pag-aari ay kuhanin ng gobyerno.
Ang isang indibidwal ay kinakailangan magbayad ng Residence Tax sa tinitirhan niyang syudad simula Enero 1. Kung lumipat ito ng tirahan, kakailanganin parin bayaran ang nakompyut na residence tax noong ika-1 ng Enero. Ito rin ay magbabase sa tinitirhan na lugar, hindi lugar ng pinagtatrabahuhan.
Ang buwis ay 6% ng iyong annual income, na nakabase sa nakaraang taon.
URI NG PARAAN NG PAGBABAYAD NG RESIDENCE TAX
1.Futsu Choshu (普通徴収)
Ito ay isang pamamaraan kung saan ang tao ay direktang nagbabayad sa isang institusyong pampinansyal. At tumutukoy din o naaangkop sa mga hindi napapailalim sa mga espesyal na koleksyon, tulad ng mga taong nagtatrabaho sa sariling business at freelancer.
Mangyaring bayaran ang inyong buwis sa pamamagitan ng payment slip na ipinadala sa inyo ng gobyerno.
sample image of a Futsu Choshu
Naglalaman ito ng 4 na piraso ng payment slips na dapat bayaran sa itinakdang buwan. Sa Phase 1 (June), Phase 2 (August), Phase 3 (October), at Phase 4 (January). Maaari kang magbayad sa bangko, sa post office o kaya ay sa convenience stores.
Larawan na nagpapakita ng buwan ng bayarin sa Futsu Choshu (普通徴収)
2.Tokubetsu Choshu (特別徴収)
Makakatanggap ka ng resident tax statement mula sa kompanyang pinagtatrabahuan. Ang kabuuan ng residence tax ay hahatiin sa 12 buwan na installment na kusang ibabawas sa iyong sweldo.
**Kumpara sa Futsu Choshu na nahahati lamang sa 4 na beses na bayaran, mas magaan ang pagbabayad sa Tokubetsu Choshu dahil hahatiin ito sa 12 beses.
Tandaan, may ilang kompanya na hindi awtomatikong ginagawang Tokubetsu Choshu ang pagbabayad mo kaya mas magandang ipakiusap ito kanila o ipaalam na gusto mo itong gawing Tokubetsu Choshu.
Ibigay lamang ang hawak na 4 na pirasong payment slips na natanggap.
Larawan ng bayarin ng Tokubetsu Choshu(特別徴収)
DELINQUENCY CHARGE (延滞金)
Ang delinquency charge ay idadagdag sa buwis kung hindi ito mababayaran sa itinakdang panahon. Ang rate nito ay nagbabago rin kada taon kaya’t mabuting mabayaran kaagad ang buwis para makaiwas sa delinquency charge.
PAANO KUNG HINDI NAGBABAYAD NG RESIDENCE TAX SA JAPAN
Ang residence tax ay dapat mabayaran sa takdang panahon na ibinigay. Kung ito ay hindi mabayaran, maaaring kumilos ang gobyerno at magbibigay ng tamang aksyon.
1st Warning: Maaaring makatanggap ng mga paalala tungkol sa buwis.
2nd Warning: Maaaring makatanggap ng mga sulat at paalala tungkol sa mga hindi pa nababayarang buwis.
3rd Warning: Maaaring makatanggap ng paalala tungkol sa pag-kuha ng gobyerno sa ari-arian ng isang indibidwal kung hindi parin siya nagbabayad ng buwis.
4th Warning: Maaring kuhanin ng walang pahintulot ng gobyerno ang inyong ari-arian. Posibleng pera galing sa bangko, pagkolekta sa kayamanan gaya ng sasakyan, alahas at iba pang maaaring maipambayad sa hindi binabayarang buwis.
PAALALA
Kung nahihirapan kang magbayad ng iyong Residence Tax, mangyaring makipag-ugnay sa Municipal Tax Office at magbibigay sila ng mga suhestiyon at payo.
JN8 -JAPANnavi8-
Ang site ng mga impormasyon na sumusuporta sa mga dayuhan na naninirahan sa Japan.