Paano kumuha ng Driver’s License sa Japan? (First time)
Ang pagkakaroon ng Driver’s License (Unten Menkyo 運転免許) o lisensya sa pagmamaneho ay isa sa mga bagay na magiging kapakipakinabang sa pamumuhay dito sa Japan. Mayrong mga lugar dito na mas madali kung pinupuntahan gamit ang sariling kotse kaysa sa pampublikong sasakyan. Paano nga ba kumuha ng lisensya dito sa Japan? Ano ang proseso at mga magkano ang babayaran?
Kung kayo ay interesado sa pag-kuha ng Driver’s License sa Japan, mabuting humanap kayo ng Driving School na malapit lang sa inyong tinitirahan. Maraming schools dito ang nagooffer ng free shuttle service sa mga estudyante. Kadasalan, ang pagkuha ng lisensya simula sa simula ay aabot ng higit 2-buwan. Minsan pa ay 6-na buwan at ito ay dedepende sa mga araw na pwede mong mapasukan o depende kung ang driving school ay may 1-month campaign.
Mayroong mga paaralan na nag-ooffer ng course sa wikang Ingles, Portuguese, at iba pa. Pati ang mismong Driving written exam ay maaaring kuhain sa Japanese at Ingles. Maaring kumunsulta sa paaralan ukol dito. At kung nahihirapan naman magrehistro, maaari namang magsama ng kasamahan na marunong magsalita ng Japanese.
MGA BAYARIN
Ito ay magdedepende sa Driving School na inyong papasukan, ngunit ang regular na bayarin ng isang Automatic Regular Vehicle License simula sa pagkuha ng Learner’s Permit hanggang sa Driver’s license ay aabot sa mga 300,000JPY lahat lahat. Mas mataas ito ng kaunti kung Manual ang kukunin na lisensya. Kumunsulta sa inyong piniling Driving School para sa tamang presyo.
MGA KAILANGANG DOKUMENTO
Sa pagkuha ng lisensya, may mga dokumentong kailangan isumite. Tandaan na ito ay maaaring magbago, depende sa inyong piniling Driving School.
1. Health Insurance Card (KenkouHokensho)
2. Residence Certificate (Jyuuminhyo) – makukuha sa inyong City Hall sa halagang mga nasa 300JPY.
3. Passport
4. Residence Card (Zairyuu Card)(Alien Card)
5. Student Certificate (kung studyante)
6. Employee Certificate (kung nagttrabaho)
7. Certificate of completion (First Aid Class) – isusumite ito kung meron na kayong natapos na first aid class noon para hindi na muli pang kunin.
EYE TEST
Kung tapos na mag-sumite ng mga dokumento at binigyan na ng araw ng unang punta para sa orientation, sa unang araw ay magsasagawa ng Eye Test para malaman kung wala bang magiging problema sa iyong pagmamaneho.
※ PARA SA REGULAR VEHICLES, HEAVY SPECIAL VEHICLES, ORDINARY MOTORCYCLES, HEAVY MOTORCYCLES
Bawat isang mata ay may 0.3 na resulta o parehong mata na may total na 0.7 na resulta ng paningin. Kung gumagamit ng salamin, at ang total ng bawat isang mata ay 0.3 pababa, kinakailangan na umabot sa 150 pataas ang total na eyesight resulta at ang total ng parehong mata ay 7.0.
※ PARA SA MGA SEMI-MEDIUM VEHICLES, MEDIUM VEHICLES, AT MGA TOWING VEHICLES
Bawat isang mata ay may 0.5 resulta pataas o parehong mata na may total na 0.8 pataas.
Kung hindi sigurado sa mga ito, magkakaron naman ng eye test kaya maaaring ikonsulta ito.
LOAN PAYMENT
Maaring kumuha ng loan para bayaran ang pag-kuha ng lisensya. Sa pag-kuha ng loan, i-konsulta ito sa information at magkakaron ng investigation kung maaari kang makakuha ng loan o hindi.
Kung nakapag-enroll na at nakapagsumite na ng mga dokumento, ay mabibigyan na kayo ng orientation day.
PAGKUHA NG LEARNER’S PERMIT
Kung ikaw ay unang beses na kukuha ng lisensya at pumasok sa Driving school, upang makakuha ng Driver’s License, kinakailangan mo munang makapasa at makakuha ng Learner’s Permit. Para itong student license sa ating bansa.
Tinatawag itong first stage sapagkat kailangan muna makapasok ng studyante sa ilang oras na leksyon at driving lessons. Pagkatapos ay kailangan maipasa ng studyante ang driving exam at written exam upang makakuha nito. Dito sa panahon na ito ituturo ang mga basic na kailangan sa pagmamaneho, ang tamang pag-signal at pagliko, pag-intindi sa mga signs. Ang pag-eensayo sa pag-drive ay sa loob pa lamang ng paaralan.
Sa written exam ng Learner’s Permit, kinakailangan makakuha ng 45 na puntos sa 50 na tanong. Ano mang bababa sa 45 puntos ay tinuturing na isang bagsak na grado at kakailanganin ulit kuhain.
Tandaan na ang Learner’s Permit ay epektibo lamang sa loob ng 6 na buwan. Kapag lumagpas ito at hindi pa nakakakuha ng Driver’s License ay kakailanganin nanaman itong kuhain.
PAGKUHA NG DRIVER’S LICENSE
Kapag nakapasa na sa pagkuha ng Learner’s Permit, susunod na ang preparasyon ng isang mag-aaral sa pag-kuha ng aktwal na Driver’s License. Mahirap ito kaya magkakaron nanaman ng ilang oras na pagpasok sa klase at ilang oras na eensayo ng pagmamaneho. Ngunit sa panahon na ito, sa labas na gagawin ang ensayo upang masanay narin sa pagmamaneho sa labas.
Kung naipasa na ang final driving exam, susunod na ang pagkuha ng final written test. Kung sa Learner’s Permit ay 45 puntos sa 50 na tanong, sa Driver’s License final written test ay 95 na puntos sa 100 na tanong. Ito ay hindi madali kaya’t kinakailangan talagang mag-bigay ng oras sa pag-aaral.
Kapag napasa na ay agad namang ipoproseso ang opisyal na Driver’s License sa halagang mga nasa 2000YEN.
TIPS
- ● Maaring may kakilala ka na nakakuha na nito at maaaring magtanong ka sa kanila kung ano ang mga bagay na nahirapan sila.
- ● Mabuti na nagsasagot ng mock exams. Malaki ang naitutulong nito sapagkat paminsan ay lumalabas mismo ang mga tanong sa exam.
JN8 -JAPANnavi8-
Ang site ng mga impormasyon na sumusuporta sa mga dayuhan na naninirahan sa Japan.