Bakit nga ba marami ang mga Pinoy at Brazilian sa Gifu, Minokamo City at Kani City?
06/08/2021
Q. Sa kasalukuyang panahon ng pandemya, di nawawala ang balita na nagkakaroon ng mga grupo ng hawaan sa mga dayuhan. Bakit nga ba madami ang mga dayuhan na naninirahan sa Minokamo City at Kani City?
A. Ayon sa datos na nakalap nitong Abril, ang bilang ng mga dayuhan na naninirahan sa Minokamo City ay nasa 5,266 katao, ito ay 9.21% ng populasyon ng syudad. Ang Kani City naman ay may 7,880 katao, na siyang sumasakop sa 7.78% populasyon ng syudad.
Marami sa mga dayuhang naninirahan ay mga Pilipino at mga Brazilian. Sa Minokamo City, ang porsyento ng dami ng mga dayuhan ay patuloy na tumaas simula pa 1989. Sa panahon na iyon, nagkaron ng maramihang job opportunity sa Sony Minokamo na kompanya at iba pang kompanya at karamihan sa mga kinuhang empleyado ay mga Brazilian, at di kalaunan ay kumuha narin sila ng maraming Pinoy.
Matapos ang Lehman Shock, ang simula ng pagkababa ng ekonomiya ng Japan, sinasabing bumaba ang porsyento ng bilang ng mga dayuhan, at kahit na huminto na ang Sony noong 2001, ay patuloy parin nanirahan ang mga dayuhan at hindi na bumaba pa ang populasyon.
Ang Kani City ang may isa sa pinakamalaking industrial parks sa prepektura at maraming manufacturing company sa lugar, kaya’t marami ng oportunidad na makahanap ng trabaho. Isa pang dahilan ng maraming populasyon ay dahil maraming apartment sa syudad na pinaparentahan ng mga temporary employment agencies noong mahirap para sa isang dayuhan na mag-renta ng sarili nilang apartment.
Isa rin sa mga dahilan kung bakit maraming dayuhan sa Minokamo City at Kani City kumpara sa ibang syudad ay dahil mas umunlad na ang dalawang syudad sa pag-tanggap ng mga dayuhan, gaya ng paaralan para sa mga dayuhan, mga tindahan na nagbebenta ng mga produktong galing sa ibang bansa, mga pagupitan, at iba pa.
Maging ang anunsyo tuwing may sakuna ay sinasagawa narin sa apat na lengwahe: Wikang Hapon, Portuguese, Tagalog, at Ingles, at ang mga ganitong paraan ng suporta ay nakakatulong sa mga dayuhang mamamayan.
JN8 -JAPANnavi8-
Ang site ng mga impormasyon na sumusuporta sa mga dayuhan na naninirahan sa Japan.