Paano basahin ang Payslip sa Japan?Ano ang mga binabayarang Tax?
Ang sweldo / payslip sa Japan ay tinatawag na (kyuuryoumeisai 給料明細). Ito kadalasan automatic na kinakaltasan na ng employer. Nandito ang bayarin sa Social Insurance, Pension, Health Insurance at iba pang bayarin na kung minsan ay hindi na natin naiintindihan kung bakit natin binabayaran.
Mabuting malaman ng isang mamayan dito sa Japan ang kanyang binabayaran na Tax. Saan ba ito napupunta at para sa ito. Isa-isahin natin at tignan kung ano ba ang mga ito at ano ang maaari nating mapakinabangan dito.
sample ng isang Japanese Payslip
Payslip na sinalin sa Ingles.
May tatlo tayong section na dapat tignan palagi. Ang Payment section, Deduction section, at Attendance Record ng isang indibidwal.
PAYMENT SECTION
Sa Payment seksyon makikita ang binayaran o kinita ng isang indibidwal mula sa kanyang kumpanya.
Basic Wage (Kihonkyuu)
Ang basic na kikitain ng isang tao sa bawat buwan na trabaho. Hindi pa dito kasali ang mga benepisyo gaya ng overtime at dagdag allowance.
Officer’s Compensation allowance (Executive allowance) (Yakuinhoushuu)
Ito ay binibigay na allowance para sa mga tao na na-promote sa matataas na posisyon gaya ng pagiging isang manager. Ito ay nagdedepende sa posisyon na napalit.
Housing Allowance (Jyuutakuteate)
Ito ay binibigay sa tao kung may napag-usapan na ang kumpanya ang magbabayad ng tinitirhan ng isang indibidwal.
Travel Allowance (Tsuukinteate)
Ito ay binibigay sa tao kung may napag-usapan na sasagutin ng kumpanya ang pag-byahe sa trabaho ng isang indibidwal.
Qualification Allowance (Shikakuteate)
Ito ay binibigay sa tao kung mayroon syang dokumento na nagpapatunay ng kanyang kakayahan. Halimbawa, may isang kumpanya na nagbibigay ng dagdag 10,000JPY sa sweldo bawat buwan sa mga matatanggap na tao na mayroong Japanese Language Proficiency Certificate. Ito ay depende sa mapapag-usapan.
Overtime Pay (Zangyouteate)
Ito ay kinita ng isang tao sa kanyang pag-oovertime.
Night Differential Allowance (Shinyazangyou)
Ito ay kinita ng isang tao kung siya ay mag-trabaho ng gabi sapagkat may karagdagang bonus ito sa kanyang sweldo bawat oras.
DEDUCTION SECTION
Sa Deduction Section makikita ang mga nabawas sa sweldo ng isang tao bawat buwan. Dito makikita kung magkano ang binayarang buwis sa Gobyerno (Health Insurance, Pension, atbp.)
Health Insurance (Kenkou Hoken)
Ito ay binabayarang buwis sa Gobyerno para sa pangkalusugang kapakanan ng isang indibidwal. Magagamit ang Health Insurance sa mga panahon na kailangan bumisita sa ospital at parte ng bayarin ay sasagutin ng gobyerno.
Welfare Pension (Kousei Nenkin)
Ito ay binabayarang buwis sa Gobyerno para sa pensyon ng isang indibidwal, para sa pagtanda ay mayroon syang magagamit na pera sa pamumuhay.
Unemployment Insurance (Koyou Hoken)
Ito ay binabayaran buwis para sa mga panahon na mawalan ng isang trabaho ang isang indibidwal, mayroong suporta na maaaring matanggap mula sa gobyerno. Ito ay hawak ng Hello Work dito sa Japan na kung saan tumutulong ito sa tao para makahanap ng trabaho.
Social Insurance (Shakai Hoken)
Ito ay total na bayarin ng pinagsama-samang Health Insurance, Welfare Pension, Nursing Insurance at Unemployment Insurance.
Income Tax Withheld (Gensenshotokuzei)
Ito ay tax na pumapasok sa indibidwal sa isang buong taon. Ang rate ng tax ay depende sa annual income. Kaya kung ikaw ay pumasok sa isang kumpanya, magkakaron ka ng year-end adjustment or final tax return upang maisaayos ang tax na pumapasok sa iyo.
Municipal Tax (Jyuuminzei)
Ito ay tinatawag rin na Residence Tax na binabayaran sa prefecture o municipal kung san nakatira ang isang indibidwal. Ito ay babase sa annual income ng previous na taon.
May mga panahon din na mayron pang ibang bayarin na makikita sa Payslip gaya ng bayarin mula sa pinag-tatrabahuhang kumpanya. Gaya ng Service fee, kung may shuttle service ka papuntang trabaho bawat buwan.
Tandaan na mayron tayong Tax exemption mula sa gobyerno kung idedeklara natin na mayron tayong mga dependents. Maaaring bumaba ang ibabawas na buwis sayo depende sa dependent mo.
ATTENDANCE RECORD
Sa Attendance Record makikita ang mga araw na may pasok, kung ilang oras ang overtime, gaano kadami ang leave na ginawa ng isang indibidwal. Dito rin makikita kung nagkaron ba ng pagkakataon na umalis sya ng maaga sa trabaho, umuwi ng maaga o di kaya ay hindi pumasok.
Worked Days (Shukkinnissu)
Ito ay ang total na araw na pinasok ng isang indibidwal sa trabaho. Sa madaling salita, bawat 1 puntos ay isang araw na pag-tatrabaho. 20.0 ay 20 araw ng pag-tatrabaho.
Consumed Paid Leaves (Yuukyuunissu)
Ito ay total ng mga araw na gumamit ka ng bayad na leave sa trabaho.
Days Absent (Kekkinnissu)
Ito ay total ng mga araw na hindi pumasok sa trabaho.
Coming late or leaving early count / hours
Ito ay nagpapakita kung ilang beses kang umuwi ng maaga sa oras o late na dumating sa trabaho at kung ilang oras ito.
Laging tatandaan ang Net Balance Paid ay ang total na pera na pumasok sa iyong bank account o total na pera na makukuha mo sa buwan na iyon.
Para sa ano pa mang katanungan ukol dito, kung may kailangan linawin sa mga nakaltas sa inyo, magandang kumonsulta sa departamento sa inyong kumpanya na nag-aasikaso ng mga pasweldo.
JN8 -JAPANnavi8-
Ang site ng mga impormasyon na sumusuporta sa mga dayuhan na naninirahan sa Japan.